Kasalukuyang Isinasagawa ng Philippine Statistics Authority (PSA), sa pangunguna ng mga kinatawan mula sa Regional Office, ang isang araw na Mobile Service Program sa Lungsod ng Cauayan upang mapadali ang pagkuha ng mga pangunahing dokumento ng mga residente.
Ayon kay City Civil Registrar Officer Nerissa Serrano, kabilang sa mga serbisyong inaalok ang pagproseso ng mga kahilingan para sa birth certificate, marriage certificate, death certificate, Certificate of No Marriage (CENOMAR), at mga kaugnay na serbisyo para sa National ID.
Dagdag pa niya, dahil naroroon ang mga kinatawan ng PSA Regional Office, agad na naibibigay ang mga dokumentong pinoproseso sa naturang aktibidad.
Sinabi rin ni Serrano na ito ang unang pagkakataon na isinagawa ang PSA Mobile Services sa lungsod. Gayunman, bahagi na rin ang PSA sa ilang barangay activities sa Cauayan, kabilang ang UNA KA DITO Caravan.
May kaukulang bayarin ang bawat dokumentong hinihingi sa PSA. Nagkakahalaga ng P155 ang bawat kopya ng birth certificate, marriage certificate, at death certificate, habang P210 naman ang bayad sa bawat kopya ng CENOMAR.
Pinayuhan naman ni Serrano ang mga aplikante na magdala ng valid ID at iba pang kinakailangang dokumento.
Para sa mga kinatawan ng aplikante, kinakailangan ding magsumite ng authorization letter at mga valid ID upang maiproseso ang kanilang kahilingan.
Hinihikayat din niya ang mga residente na samantalahin ang ganitong serbisyo ng PSA upang mas mabilis at mas maginhawang makuha ang kanilang mga kinakailangang dokumento nang hindi na kailangang bumiyahe sa malalayong tanggapan.
--Ads--











