Inilatag na ng Kongreso ang mga paghahanda at alituntunin para sa ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Hulyo 27.
Kabilang sa mga ipatutupad ang mahigpit na seguridad, dress code, at mga panuntunan sa pagpasok ng mga inimbitahang dadalo, batay sa mga abisong inilabas ng House of Representatives.
Ayon sa advisory, mahigpit na ipatutupad ang “strictly by invitation” na polisiya para sa Joint Session ng ika-20 Kongreso kung saan magtatalumpati si Pangulong Marcos alas-4:00 ng hapon sa Plenary Hall ng Kamara.
Hindi maaaring ilipat o ipagamit sa iba ang invitation card at kinakailangang magpakita ng seat card bago makapasok sa Plenary Hall. Mahigpit ding susundin ang nakatalagang upuan ng bawat panauhin.
Pinapayuhan ang mga dadalo na dumating bago mag-2:00 ng hapon upang magkaroon ng sapat na oras para sa security verification at pag-upo sa kanilang itinalagang puwesto.
Isasara ang lahat ng entrada sa Plenary Hall pagsapit ng alas-3:30 ng hapon. Ang mga mahuhuling dumating ay dadalhin na lamang sa itinalagang SONA viewing room.
Ayon pa sa abiso, walang papayagang lumabas ng Plenary Hall hanggang sa makaalis si Pangulong Marcos matapos ang kanyang talumpati.
Bahagi rin ng seguridad ang pagsusuot ng SOSEC sticker ng mga panauhin ng Office of the President upang madali silang makilala ng mga usher.
Para sa kasuotan, hinihikayat ang mga dadalo na magsuot ng Filipiniana para sa kababaihan, Barong Filipino para sa kalalakihan, o business attire para sa parehong kasarian.
Matapos ang SONA, maghahain ng refreshments sa South Wing Lobby para sa mga inimbitahang panauhin.
Ang ikalimang SONA ni Pangulong Marcos ay gaganapin sa Hulyo 27 sa Batasang Pambansa Complex sa Quezon City sa harap ng pinagsamang sesyon ng Senado at Kamara de Representantes.











