Binigyan lamang ng dalawang puntos mula sa sampu ng isang abogado ang ikaapat na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., dahil umano sa kakulangan ng kongkretong resulta at sa patuloy na pag-asa sa mga pangakong hindi pa naipatutupad.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Ariel Inton, President at Founder ng Lawyers for Commuters Safety and Protection, sinabi nitong dalawang puntos lamang sa sampu ang kanyang ibinibigay na marka sa ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. dahil umano sa kakulangan ng kongkretong resulta.
Iginiit ng abogado na bagama’t may maayos na paghahanda ang Pangulo sa kanyang talumpati, nananatili aniya itong puno ng mga pangakong “coming soon” na ilang taon nang inuulit ngunit hindi pa rin nararamdaman ng taumbayan.
Tila aniya nanood lamang ang publiko ng trailer ng isang pelikula dahil marami sa mga ipinangako ay hindi pa tiyak kung maisasakatuparan.
Duda rin siya sa ipinakitang kalungkutan ng Pangulo kaugnay ng kasong isinampa laban sa kaniyang pinsan na si dating House Speaker Martin Romualdez.
Aniya, kung tunay na nais ng Pangulo na papanagutin ang kanyang pinsan, dapat ay noon pa ito kumilos at hindi lamang ilang araw bago ang SONA isinagawa ang preliminary investigation ng Office of the Ombudsman.
Binanggit din ng abogado na hindi aniya kapani-paniwala ang naging pahayag ng Pangulo na nalulungkot ito sa sinapit ng dating Speaker.Sa halip, sinabi niyang mas mainam sana kung tahasang iginiit ng Pangulo ang pananagutan ng sinumang sangkot sa katiwalian, anuman ang relasyon nito sa kanya.
Dagdag pa niya, kung nais ng Pangulo na makakuha ng mas mataas na pagtataya mula sa publiko, mas nararapat na ituon ang talumpati sa katotohanan at sa mga konkretong nagawa kaysa sa mga pangakong hindi pa natutupad.











