--Ads--

Magsasagawa ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) Region 2 ng dalawang araw na “Permitting on Wheels” sa Hulyo 27 at 28 sa City of Ilagan Community Center upang mailapit sa publiko ang iba’t ibang serbisyo at permit na kinakailangan sa mga negosyo at iba pang aplikasyon sa Cagayan Valley.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay John Ray Lardizabal, Environmental Management Specialist II ng Environmental Management Bureau (EMB)-DENR Region 2, sinabi nitong bukas ang aktibidad hindi lamang sa mga residente ng Ilagan City kundi sa lahat ng mamamayan sa buong Cagayan Valley.

Ayon kay Lardizabal, kabilang sa mga serbisyong maaaring iproseso ang aplikasyon para sa Environmental Compliance Certificate (ECC), Permit to Operate para sa mga air pollution source tulad ng generator sets, Wastewater Discharge Permit, Hazardous Waste Generator ID, at Pollution Control Officer Accreditation.

Makikibahagi rin aniya ang iba pang tanggapan ng DENR tulad ng Land Management Bureau na tutulong sa mga usapin sa land title, surveys, land registration at wildlife permits, habang magbibigay naman ng serbisyo ang Mines and Geosciences Bureau (MGB) kaugnay ng geohazard maps, geohazard certifications, at area status para sa quarry permits.

--Ads--

Ipinaliwanag ni Lardizabal na layunin ng “Permitting on Wheels” na mailapit ang serbisyo ng DENR sa publiko upang hindi na bumiyahe pa sa kanilang mga tanggapan at agad na matugunan ang mga aplikasyon, lalo na kung kumpleto ang mga kinakailangang dokumento.

Sinabi rin nitong kabilang sa pinakamahalagang requirement sa pagkuha ng environmental permits ang tamang land classification ng lugar na pagtatayuan ng negosyo.

Aniya, kung halimbawa ay magtatayo ng gasoline station sa isang lupang nakatalaga pa bilang residential area, kinakailangan muna itong ma-convert bilang commercial bago maaprubahan ang permit.

Dagdag pa nito, hindi rin maaaring magpatayo ng commercial piggery o poultry farm kung mas mababa sa isang kilometro ang layo nito sa mga built-up o residential areas, alinsunod sa mga umiiral na patakaran ng Department of Agriculture.

Nilinaw naman ni Lardizabal na ang mga backyard piggery na may mas mababa sa 100 ulo ng baboy ay hindi saklaw ng Environmental Compliance Certificate, ngunit ang mga operasyon na lalampas sa naturang bilang ay kinakailangang kumuha ng ECC bilang bahagi ng mga itinakdang requirements.

Hinikayat naman ni Lardizabal ang publiko, mga negosyante at iba pang may kailangang iprosesong environmental permits na samantalahin ang “Permitting on Wheels” upang mapabilis ang kanilang mga aplikasyon at makuha ang kinakailangang permit mula sa iba’t ibang tanggapan ng DENR Region 2.