--Ads--

Bahagyang bumilis ang pagkilos ng Tropical Depression Kiyapo habang patuloy itong kumikilos pa-hilagang kanluran sa karagatan sa silangan ng Hilagang Luzon.

Sa bulletin ng PAGASA alas-10:00 ng umaga, namataan ang sentro ng bagyo sa layong 830 kilometro silangan ng Hilagang Luzon. Taglay nito ang lakas na hanging aabot sa 45kkm/h at pagbugsong aabot sa 55km/h. Kumikilos ang bagyo pa-hilagang kanluran sa bilis na 25km/h.

Nananatiling nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 sa Batanes, Cagayan kabilang ang Babuyan Islands, Isabela, Apayao, Abra, Kalinga, Ilocos Norte, at ilang bahagi ng Ilocos Sur, Aurora, Mountain Province, Ifugao, Quirino, at Nueva Vizcaya.

Ayon sa PAGASA, maaaring umabot sa Signal No. 2 ang pinakamataas na babala habang tumatawid ang bagyo sa hilagang bahagi ng Luzon. Gayunman, hindi rin inaalis ang posibilidad ng Signal No. 3 kung lalakas pa ito bilang isang severe tropical storm habang dumaraan sa Batanes at Babuyan Islands.

--Ads--

Inaasahang magpapatuloy ang pagkilos ng bagyong Kiyapo patungong Luzon Strait hanggang Sabado bago lumihis pa-hilagang kanluran. Posible itong dumaan malapit sa hilagang-silangang bahagi ng mainland Cagayan bukas, Hulyo 24, at dumaan o mag-landfall sa paligid ng Babuyan Islands pagsapit ng hapon o gabi.

Unti-unti ring lalakas ang bagyo at maaaring maging tropical storm bukas at severe tropical storm matapos makatawid sa Babuyan Islands bago tuluyang lumabas ng Philippine Area of Responsibility sa Sabado.

Nagbabala rin ang PAGASA sa banta ng malalakas na pag-ulan, malalakas na hangin, at mapanganib na karagatan sa mga apektadong lugar, habang patuloy na pinalalakas ng Kiyapo ang habagat sa malaking bahagi ng bansa.