--Ads--

Nagpatupad na ng “No Sail Policy” ang Philippine Coast Guard sa Cagayan bilang paghahanda sa posibleng pananalasa ng Bagyong Kiyapo na inaasahang magla-landfall sa bahagi ng Calayan o Northern Cagayan sa Biyernes o Sabado.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mia Carbonel, Information Officer ng Office of Civil Defense (OCD) Region 2, sinabi nitong ito ang isa sa mga napagkasunduan sa isinagawang Pre-Disaster Risk Assessment (PDRA) meeting ngayong araw.

Ayon kay Carbonel, kanselado na rin ang mga biyahe ng sasakyang pandagat ng Calayan patungo sa mainland bilang pag-iingat sa inaasahang paglala ng lagay ng panahon.

Sinabi rin niyang inaasahang maaaring magtaas ng hanggang Tropical Cyclone Wind Signal No. 2 sa ilang bahagi ng Northern Cagayan sa oras ng paglandfall ng bagyo.

--Ads--

Dahil dito, mahigpit na ipinagbabawal muna ang paglalayag ng mga pampasaherong sasakyang pandagat at maging ng mga mangingisda upang maiwasan ang anumang insidente sa karagatan.

Dagdag pa ni Carbonel, nakahanda na ang iba’t ibang response cluster agencies kasama ang kani-kanilang mga personnel at kagamitan upang agad na makapagresponde sakaling magkaroon ng epekto ang bagyo sa rehiyon.

Patuloy rin aniyang nakikipag-ugnayan ang OCD sa mga lokal na pamahalaan, pulisya at iba pang emergency response teams upang matiyak ang kahandaan sa mga posibleng evacuation, relief operations at iba pang disaster response activities.

Samantala, pinaalalahanan ng OCD ang publiko na huwag maging kampante sa dala ng ulan ng bagyo. Bagama’t makatutulong ito sa suplay ng tubig, sinabi nitong kinakailangan pa ring mag-ingat dahil maaari itong magdulot ng pagbaha, pagguho ng lupa at pinsala sa mga kabahayan at ari-arian.