Patuloy na nakararanas ng mabigat na daloy ng trapiko ang mga motorista at residente sa bahagi ng Barangay Labinab, Cauayan City dahil sa nagpapatuloy na rehabilitasyon ng kalsada sa West Tabacal Region.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Cesar Manrique, foreman ng proyekto, sinabi nitong tuloy-tuloy ang isinasagawang road concreting sa naturang lugar.
Ayon kay Manrique, kamakailan lamang siyang itinalaga bilang bagong foreman ng proyekto matapos mapalitan ang dating namamahala sa konstruksyon. Aniya, isa rin sa mga naging dahilan ng pagkaantala ng proyekto ang problemang naranasan sa concrete mixer na ginagamit sa pagbubuhos ng semento kaya naapektuhan ang bilis ng isinasagawang trabaho.
Gayunman, tiniyak niyang nagpapatuloy ang konstruksyon upang matapos sa lalong madaling panahon ang naturang proyekto.
Samantala, sinabi naman ni Jose Paguirigan, TODA President, na matagal nang nagtitiis sa abalang dulot ng konstruksyon ang mga motorista at residente sa lugar.
Ayon kay Paguirigan, nagdudulot ng matinding perwisyo ang putol-putol na bahagi ng kalsada dahil bumabagal ang biyahe ng mga sasakyan, dahilan upang madalas na ma-late ang mga pasahero, kabilang ang mga estudyante.
Dagdag pa niya, patuloy ding nakararanas ng matinding pagsisikip ng daloy ng trapiko ang mga truck at iba pang sasakyang bumabaybay sa West Tabacal Region habang isinasagawa ang proyekto.
Bagama’t natapos na ang isang bahagi ng kalsada, nananatili pa ring ginagawa ang kabilang lane kaya nagpapatuloy ang mabagal na usad ng trapiko sa lugar.
Dahil dito, nananawagan ang mga residente, motorista at mga operator ng pampasaherong sasakyan sa mga kinauukulan na mapabilis ang pagkumpleto ng proyekto upang maibsan na ang nararanasang abala ng publiko.











