--Ads--

Nanawagan ang constitutional law expert na gamitin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang nalalabing dalawang taon ng kanyang termino upang tugunan ang korapsyon, mataas na presyo ng mga pangunahing bilihin at palakasin pa ang pagtatanggol sa West Philippine Sea.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Domingo “Egon” Cayosa, sinabi nitong nagsisilbing “grade card” ng Pangulo ang taunang State of the Nation Address (SONA) dahil dito nasusukat kung natutupad ang mga pangako at programang inilatag nito sa taumbayan.

Ayon kay Atty. Cayosa, nananatiling pangunahing suliranin ng bansa ang korapsyon sa pamahalaan.

Bagama’t may ilang opisyal na nahaharap na sa mga kaso, sinabi nitong marami pa ring alegasyon ng katiwalian laban sa iba pang opisyal ng gobyerno na hanggang ngayon ay wala pang malinaw na pananagutan.

--Ads--

Binigyang-diin pa nito na dapat umanong maging patas ang pagpapatupad ng batas at hindi lamang ang mga kalaban sa pulitika ang napapanagot.

Sa usaping ekonomiya, sinabi ni Atty. Cayosa na hindi dapat iangkin ng pamahalaan ang kredito sa pag-angat ng Pilipinas bilang upper middle-income country dahil ayon sa kanya, bunga ito ng pagsisikap ng mga manggagawa, negosyante, propesyunal at lalo na ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs).

Aniya, mas mahalagang sukatan ng kaunlaran ang kakayahan ng mga Pilipino na matustusan ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.

Giit nito, nananatiling mataas ang presyo ng pagkain, kuryente at iba pang pangunahing bilihin habang hindi naman aniya sapat ang pagtaas ng kita ng maraming manggagawa.

Samantala, sinabi rin ni Atty. Cayosa na mas naging matatag ang paninindigan ng kasalukuyang administrasyon sa usapin ng West Philippine Sea kumpara sa nakaraang administrasyon.

Gayunman, iginiit nitong hindi sapat ang matapang na pahayag lamang kung hindi rin mapoprotektahan ang karapatan ng mga Pilipinong mangingisda at ang yamang-dagat sa loob ng Exclusive Economic Zone ng bansa.

Kaugnay naman ng hindi pagdalo ni Vice President Sara Duterte sa SONA, sinabi ni Atty. Cayosa na wala na itong malaking epekto dahil matagal nang malinaw ang hidwaan sa pagitan ng dalawang kampo.

Dagdag pa nito, dapat gamitin ni Pangulong Marcos ang kanyang “political will” upang matiyak na maituloy at matapos ang impeachment proceedings laban sa Bise Presidente upang hindi na ito maging hadlang sa pagtutok ng pamahalaan sa mas mahahalagang usapin ng bansa.