--Ads--

Tinukoy ng Office of the Ombudsman ang apat na ari-arian sa Forbes Park, Makati at isang bahay sa Aguado Street sa Maynila bilang mga lugar na umano’y pinagdalhan ng bilyon-bilyong pisong kickback para kay dating House Speaker Martin Romualdez.

Batay sa ulat, sinabi ng mga dating security personnel ni dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co na nakasaksi umano sila sa paghahatid ng mga maleta, paper bag at envelope na puno ng pera sa mga naturang lokasyon mula 2021 hanggang 2024.

Kabilang sa mga tinukoy na address ang 42 McKinley Road, 14 Narra Avenue, at 30 Tamarind Road sa Forbes Park, gayundin ang isang bahay sa Aguado Street na nasa tapat ng Malacañang.

Inaakusahan sina Romualdez at Co na nakalikom umano ng mahigit P56 bilyong ill-gotten wealth mula 2022 hanggang 2025 na may kaugnayan sa mga flood control projects.

--Ads--

Ayon sa mga testigo, regular umanong naghahatid ng pera sa mga nasabing ari-arian, kabilang ang isang delivery noong Disyembre 2023 na tinatayang umabot sa P1.1 bilyon.Patuloy namang iniimbestigahan ng Ombudsman ang mga alegasyon na suportado umano ng mga testimonya ng ilang security personnel at mga testigong humarap sa Senate Blue Ribbon Committee.