--Ads--

Ipinagmalaki ng Sugar Regulatory Administration (SRA) ang mga repormang ipinatupad nito sa nakalipas na apat na taon na naglalayong patatagin ang suplay at presyo ng asukal habang pinapalakas ang industriya sa harap ng pabagu-bagong panahon at pandaigdigang merkado.

Kabilang sa pinakamahalagang hakbang ng ahensya ang paglalaan ng 100% ng lokal na produksiyon ng asukal para sa domestic market upang matiyak ang sapat na suplay para sa mga Pilipino.

Binago rin ng SRA ang cropping calendar ng tubo mula Setyembre 1 hanggang Agosto 31 patungong Oktubre 1 hanggang Setyembre 30 upang mas humaba ang panahon ng paglaki ng tubo at tumaas ang sugar content nito, na nagreresulta sa mas mataas na produksyon ng asukal kada anihan.

Pinalawak din ng ahensya ang regulasyon sa mga alternative sweetener at sugar substitutes sa pamamagitan ng pag-aatas sa mga importer ng glucose, dextrose at sugar syrups na magparehistro at kumuha ng clearance mula sa SRA bago mailabas ang kanilang mga produkto.

--Ads--

Hinigpitan din ang regulasyon sa pag-angkat ng molasses upang maprotektahan ang lokal na industriya at masuportahan ang pangangailangan ng domestic bioethanol sector.

Bukod dito, namahagi ang SRA ng mahigit 160 traktora, daan-daang farm implements, mechanized planters at hauling trucks sa mga kooperatiba at samahan ng mga magsasaka.

Ayon kay SRA Administrator Pablo Luis Azcona, layunin ng mga repormang ito na makabuo ng mas matatag at mas handang industriya ng asukal laban sa epekto ng climate shocks at market volatility.