Makakatapat agad ni Alex Eala ang Olympic champion na si Zheng Qinwen sa opening round ng Mubadala DC Open matapos ang isinagawang draw.
Muling magsasalubong ang landas ng dalawa sa unang pagkakataon mula nang magharap sila sa semifinals ng 2023 Asian Games sa Hangzhou, China, kung saan nanaig si Zheng sa tatlong set.
Si Zheng, dating World No. 4 at may limang WTA titles, ay isa sa pinakamahigpit na pagsubok para kay Eala. Gayunman, kumpiyansa ang kampo ng Filipina tennis star na mas handa na siya ngayon kumpara sa kanilang huling paghaharap.
Samantala, hindi matutuloy ang inaabangang doubles tandem nina Eala at Venus Williams. Sa inilabas na draw, si Diana Shnaider ang nakatakdang maging kapareha ni Williams, habang hindi kasama si Eala sa doubles competition. Wala pang inilalabas na opisyal na paliwanag hinggil sa pagbabagong ito.











