Binigyan lamang ng bagsak na marka ng transport group na PISTON ang unang apat na taon ng panunungkulan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. dahil sa umano’y kabiguan nitong tugunan ang mga pangunahing suliranin ng sektor ng transportasyon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Modesto “Mody” Floranda, Chairman ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Opereytor Nationwide (PISTON), sinabi nitong patuloy na naapektuhan ang kabuhayan ng mga tsuper at operator dahil sa pagpapatuloy ng Public Transport Modernization Program.
Ayon kay Floranda, sa halip na modernisasyon ay rehabilitasyon ng pampublikong transportasyon ang dapat isulong ng pamahalaan sa pamamagitan ng pagpapaunlad ng sariling industriya ng bansa sa paggawa ng mga pampasaherong sasakyan.
Iginiit din nito na dapat nang alisin ang Oil Deregulation Law dahil ito umano ang isa sa mga pangunahing dahilan ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Aniya, kapag inalis ang naturang batas at ang ipinapataw na buwis sa langis, mas mababawasan ang presyo ng petrolyo na pakikinabangan hindi lamang ng mga tsuper kundi maging ng lahat ng mamamayan.
Sinabi rin ni Floranda na ang kanilang panawagan para sa dagdag-pasahe ay hindi upang kumita nang malaki ang mga tsuper kundi upang maibsan lamang ang epekto ng patuloy na pagtaas ng gastos sa kanilang pamamasada.
Samantala, nagsagawa ng kilos-protesta ang PISTON sa kahabaan ng Commonwealth Avenue sa Quezon City mula kaninang umaga hanggang hapon upang ipanawagan ang pagbasura sa Oil Deregulation Law, pagtigil sa Public Transport Modernization Program at pagsusulong ng ₱1,200 legislated wage hike para sa mga manggagawa.
Ayon kay Floranda, may pahintulot mula sa lokal na pamahalaan ang isinagawang protesta.











