--Ads--

Natagpuang wala ng buhay ang isang babaeng kalabaw matapos umanong patayin sa isang bukirin sa Barangay Maligaya, Cauayan City ngayong araw, Hulyo 27.

‎Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Punong Barangay Raymart Mallillin ng nasabing barangay, sinabi nitong iniwan umano ng may-ari ang tinatayang nasa pito hanggang siyam na taong gulang na kalabaw sa bukid.

‎Nang balikan umano ito ng may-ari ay wala na sa pinagtalian ang hayop at napansin pang putol ang tali nito, dahilan upang paghinalaang may kumuha rito.

‎Ayon kay Mallillin, agad na nagsagawa ng paghahanap ang may-ari ngunit hindi nito natagpuan ang kalabaw.

‎Kaninang umaga, isang concerned citizen ang nagbigay-alam sa barangay hinggil sa natagpuang wala nang buhay na kalabaw sa ilalim ng isang puno, na kalaunan ay kinumpirma ng mga opisyal ng barangay at may-ari ng kalabaw.

‎Batay sa paunang imbestigasyon, lumalabas na posibleng sinadyang patayin ang hayop.

‎Sinabi ng punong barangay na wala umanong bakas ng taga o hiwa sa katawan ng kalabaw, subalit halos durog ang ulo nito, na pinaniniwalaang maaaring dulot ng paulit-ulit na paghampas gamit ang matigas at mabigat na bagay.

‎Isa sa mga anggulong sinisiyasat ng barangay ay kung may kaugnayan ang insidente sa tangkang pagkatay sa kalabaw o kung isa lamang itong sinadyang paninira.

Sa ngayon, patuloy pang pinaghahanap ang posibleng responsable habang isinasagawa ang mas malalim na imbestigasyon.

‎Ayon kay Mallillin, ito ang kauna-unahang naitalang insidente ng ganitong uri sa Barangay Maligaya.

‎Dahil dito, nanawagan siya sa mga residente na paigtingin ang pagbabantay sa kanilang mga alagang hayop at iwasang iwan ang mga ito nang walang nagbabantay, lalo na sa mga liblib na lugar.

‎Hinimok din niya ang publiko na agad na ipagbigay-alam sa barangay o sa pulisya ang anumang kahina-hinalang aktibidad upang makatulong sa pagtukoy sa suspek at maiwasan ang pag-ulit ng kaparehong insidente.