--Ads--

Ipinangako ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na patuloy na ipagtatanggol ng kanyang administrasyon ang 2016 Arbitral Award na pumabor sa Pilipinas sa usapin ng West Philippine Sea sa pamamagitan ng lahat ng mapayapa at legal na paraan na magagamit ng bansa.

Sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA) ngayong Lunes, sinabi ng Pangulo na hindi lamang administrasyon ang nagsusulong ng nasabing arbitral ruling at hindi rin ito tatalikuran ng pamahalaan sa kabila ng mga hamon at banta sa soberanya ng bansa.

Binigyang-diin ni Marcos na gagawin ng gobyerno ang lahat ng kinakailangang hakbang upang mapanatili at maipagtanggol ang tagumpay na ito laban sa anumang pagtatangkang pahinain ito, mula man sa loob o labas ng bansa.

Kasabay nito, iginiit ng Pangulo na marangal, mabait, at may dignidad ang mga Pilipino, at hindi dapat kuwestiyunin ang kanilang pagkatao at pagkakakilanlan.

--Ads--

Nanawagan din siya sa mamamayan na pairalin ang pagkakaisa sa gitna ng mga hamong kinahaharap ng bansa, at alalahaning iisa ang lahi at pagmamahal ng bawat Pilipino sa Inang Bayan.

Ayon pa kay Marcos, hindi matitinag ang Pilipinas sa anumang pang-aalipusta at hindi rin pasisiil sa sinumang manlulupig, kasabay ng paninindigang ipagtanggol ang karapatan ng bansa sa karagatan.

Nagbigay rin siya ng pagkilala sa Armed Forces of the Philippines, Philippine Coast Guard, at mga Pilipinong mangingisda na patuloy na naglilingkod at nagbabantay sa karagatang sakop ng bansa sa kabila ng mga panganib na kanilang kinakaharap.