Inirekomenda ng Department of Justice (DOJ) ang pagsasampa ng kasong cyberlibel laban kay Atty. Levito Baligod at 18 katao na nag-akusang naghatid umano ng pera mula kay dating Ako Bicol Party-list Representative Zaldy Co sa ilang personalidad at opisyal ng pamahalaan.
Kinumpirma ni Prosecutor General Richard Fadullon ang naturang development at sinabing inilabas na noong nakaraang linggo ang resolusyon kaugnay ng kaso.
Bukod sa cyberlibel, inirekomenda rin ng panel ng mga piskal ng DOJ ang pagsasampa ng kasong perjury laban sa 18 indibidwal na sangkot sa mga alegasyon.
Ang mga reklamo laban kay Baligod at sa 18 katao ay inihain nina dating Senador Antonio Trillanes IV, dating National Security Adviser Eduardo Año, House Deputy Minority Leader Leila de Lima, Fr. Flavie Villanueva, at Bureau of Corrections Director General Gregorio Catapang Jr.
Nag-ugat ang mga reklamo sa mga alegasyong inilantad ng 18 dating bodyguard na unang ipinakilala ni Baligod sa isang press conference noong Pebrero. Inangkin ng mga ito na naghatid sila ng malalaking halaga ng pera sa utos umano ni Co para sa ilang opisyal at personalidad.
Kabilang sa mga pinangalanan sa mga alegasyon sina Trillanes, Año, De Lima, Villanueva, at Catapang, na mariing itinanggi ang mga paratang at kalaunan ay nagsampa ng mga reklamo laban kay Baligod at sa grupo.
Ayon sa mga dating bodyguard, may kaugnayan umano ang mga ipinadalang pera sa sinasabing kickback mula sa mga maanomalyang flood control projects. Samantala, sinabi noon ni Baligod na sinikap niyang beripikahin ang mga impormasyon mula sa grupo bago ito isinapubliko.
Matatandaang hiniling din ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na magsumite ng magkakahiwalay na sinumpaang salaysay ang bawat isa sa 18 indibidwal upang matukoy ang personal nilang nalalaman kaugnay ng mga alegasyon.











