Umabot na sa 107 katao ang nasawi habang 344 naman ang nasugatan dahil sa malalakas na pag-ulan at pagbaha sa Pakistan mula nang magsimula ang panahon ng tag-ulan noong Hunyo, ayon sa National Disaster Management Authority (NDMA).
Pinakamaraming naitalang nasawi sa Khyber Pakhtunkhwa na may 55 biktima, sinundan ng Punjab na may 36. Karamihan sa mga namatay ay dahil sa pagguho o pagbagsak ng mga bahay at bubong.
Sa lungsod ng Lahore, nagtatag ang mga awtoridad ng mga evacuation at relief center para sa mga residenteng apektado ng baha. Ayon sa mga opisyal, nasa humigit-kumulang 400 square kilometers na ang nalubog sa tubig sa ilang bahagi ng Punjab.
Nagbabala rin ang mga awtoridad na inaasahan pa ang panibagong bugso ng malalakas na ulan ngayong linggo habang nagpapatuloy ang tag-ulan na karaniwang tumatagal hanggang Setyembre.











