Isang 69-anyos na babae ang natagpuang wala nang buhay sa loob ng isang bakanteng bahay sa Alfonso St., Barangay Dubinan East, Santiago City, Isabela nitong umaga ng Hulyo 27.
Kinilala ang nasawi na si Leticia Urbano Doña, may asawa at residente umano ng Purok 3, Barangay Sagana, Santiago City. Gayunman, ayon sa impormasyon, posibleng taga-Alicia, Isabela ang kanyang pinagmulan at hindi residente ng Barangay Sagana.
Ayon sa Santiago City Police Office, natanggap ng Police Station 2 ang ulat mula sa tauhan ng Police Station 1 hinggil sa pagkakadiskubre sa bangkay ng biktima dakong alas-8:30 ng umaga.
Batay sa imbestigasyon, natagpuan ang bangkay ni Doña ng kanyang kaibigan na si Vicitacion Carinian Panganiban, 60-anyos, na pansamantalang naninirahan sa naturang bahay.
Napag-alaman na dalawang araw bago ang insidente ay bumisita umano si Doña kay Panganiban at nagpasya itong manatili muna sa naturang lugar.
Kinabukasan, paggising ni Panganiban, nakita niya ang wala nang buhay na katawan ni Doña na nakahiga sa sahig sa tabi ng kanyang kama.
Agad niya itong iniulat kay Antonio Gumarac Melaño, duty ng DPOS ng Public Market sa Santiago City, na siya namang nagpaabot ng impormasyon sa Police Station 1.
Isinailalim sa scene processing ng City Forensic Unit ang lugar at napag-alamang walang nakitang panlabas na sugat o pinsala sa katawan ng nasawi.
Samantala, nananawagan ang mga awtoridad at pamilya ng nasawi sa sinumang nakakakilala kay ginang Leticia Urbano Doña na makipag-ugnayan upang mahanap ang kanyang mga kaanak.
Sa ngayon, ang labi ng nasawi ay nasa isang punirarya sa Barangay Caloocan, Santiago City.











