--Ads--

Tuluyan nang nagsampa ang Department of Justice (DOJ) ng magkakahiwalay na kaso laban sa 18 tinaguriang “maleta boys” o mga dating bodyguard ni dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co, kabilang ang kanilang abogado na si Atty. Levito Baligod.

Kinumpirma ni DOJ Spokesperson Atty. Polo Martinez na naihain na noong Martes, Hulyo 28, ang mga impormasyon sa Regional Trial Courts ng Caloocan City, Las Piñas City, Muntinlupa City, at San Juan City.

Nahaharap ang 18 dating bodyguard sa anim na bilang ng kasong cyber libel sa ilalim ng Republic Act No. 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012 at apat na bilang ng kasong perjury.

Samantala, kabilang din sa mga kinasuhan si Atty. Baligod na kapwa akusado sa ilan sa mga kaso at nahaharap din sa hiwalay na bilang ng cyber libel.

--Ads--

Agad namang kinuwestyon ni Baligod ang paghahain ng mga kaso laban sa kanya, iginiit na hindi sila nabigyan ng pagkakataong magsumite ng motion for reconsideration.

Ayon sa abogado, maaaring makaapekto ang naturang hakbang sa kasong inihahanda ng Office of the Ombudsman laban kay dating House Speaker Martin Romualdez, dahil ilan sa mga testimonya ng mga dating bodyguard ay ginamit bilang bahagi ng imbestigasyon.

Sa kabila nito, nilinaw ng Department of Justice na hiwalay at independiyente ang isinasagawa nitong imbestigasyon at mga kasong isinampa kumpara sa imbestigasyon ng Office of the Ombudsman.