Pinalaya matapos makapagpiyansa si Atty. Levito Baligod at apat na dating bodyguard ni dating Ako Bicol party-list Representative Zaldy Co nitong Biyernes, Oktubre 16 kasunod ng kanilang pag-aresto sa San Juan City.
Ayon sa ulat, nakalabas ang lima makalipas ang alas-5 ng hapon matapos makapagpiyansa ng tig-₱10,000.
Samantala, hindi naman nakapagpiyansa ang 10 iba pang dating bodyguard ni Co bago matapos ang oras ng trabaho kahapon.
Ayon kay San Juan City Police chief Police Colonel Anthony Gantang, dakong alas-9:30 ng umaga nang arestuhin sina Baligod at ang mga dating bodyguard sa San Juan Hall of Justice, kung saan dumalo ang abogado sa isang pagdinig sa korte.
Batay sa arrest warrant na inilabas ng Regional Trial Court Branch 69 sa Iba, Zambales, nahaharap ang mga ito sa kasong unjust vexation kaugnay ng Republic Act No. 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012.
Matatandaang nauna nang iginiit ng mga dating bodyguard na naghatid sila ng mga maleta na umano’y naglalaman ng pera para kina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., dating House Speaker at Leyte Representative Martin Romualdez, at iba pang indibidwal. Itinanggi naman nina Marcos, Romualdez at iba pang nadawit ang mga paratang.
Noong Agosto, apat sa 18 dating bodyguard ang bumawi sa kanilang mga nilagdaang affidavit. Ayon sa kanila, nais na lamang nilang mamuhay nang tahimik at nakatatanggap umano sila ng mga banta sa kanilang buhay.











