--Ads--

Bumaba ang bilang ng mga aplikasyon para sa bagong koneksyon ng kuryente sa Cauayan City kumpara sa ilang bayan sa sakop ng ISELCO-1, dahil sa hirap ng ilang aplikante na kumpletuhin ang mga kinakailangang dokumento mula sa City Engineering Office.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Angelu Z. Gapusan, Consumer Welfare Officer ng ISELCO-1, sinabi nitong kabilang sa mga pangunahing dahilan ng mababang bilang ng aplikasyon sa lungsod ang kahirapan ng mga residente na makuha at makumpleto ang mga documentary requirements bago maisumite ang kanilang aplikasyon sa electric cooperative.

Ayon kay Gapusan, kabilang sa mga kailangang dokumento ang Certificate of Final Electrical Inspection (CFEI), electrical plan at Certificate of Temporary Electrical Inspection na kinakailangang iproseso at makuha mula sa City Engineering Office.

Ipinaliwanag ng opisyal na mahalaga ang Certificate of Final Electrical Inspection dahil nagpapatunay itong ligtas at sumusunod sa Philippine Electrical Code ang electrical installation ng isang gusali bago ito maikonekta sa linya ng kuryente.

--Ads--

Binigyang-diin naman ni Gapusan na hindi maaaring laktawan ang alinman sa mga requirement dahil parehong may sinusunod na polisiya at Memorandum of Agreement ang ISELCO-1 at City Engineering Office sa pagproseso ng mga aplikasyon.

Sa kasalukuyan, umabot na sa mahigit dalawang daang aplikasyon ang natanggap ng ISELCO-1 sa Cauayan City, kabilang ang mga aplikasyon para sa bagong koneksyon ng kuryente at pagpapalit ng pangalan ng account.

Samantala, hinimok ng ISELCO-1 ang mga aplikante na tiyaking kumpleto ang kanilang mga dokumento at makipag-ugnayan sa kinauukulang tanggapan upang maiwasan ang pagkaantala sa pagproseso ng kanilang aplikasyon.