Binigyang-diin ng isang constitutional law expert na kailangang maipaliwanag ni Vice President Sara Duterte ang paggamit sa ₱612.5 milyon confidential funds na naging sentro ng pagtalakay sa Article 1 ng impeachment trial laban sa kanya.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Domingo “Egon” Cayosa, sinabi nitong maayos ang naging takbo ng ika-10 araw ng paglilitis, partikular sa pagtalakay sa proseso ng pag-withdraw ng malaking halaga ng cash mula sa bangko.
Ayon kay Atty. Cayosa, bagama’t maituturing na karaniwang proseso sa bangko ang pag-withdraw ng pera, naging kapansin-pansin aniya ang pagkuha ng daan-daang milyong piso nang cash at ang pagtanggap nito ng isang mababang ranggong opisyal.
Aniya, sa mga karaniwang transaksyon ng pamahalaan, ang pera ay direktang ibinibigay sa contractor, supplier, consultant o service provider sa pamamagitan ng tseke o iba pang dokumentadong paraan.
Dahil dito, mahalagang maipaliwanag aniya kung bakit kinailangang ilabas nang cash ang malaking halaga at kung paano ito ginamit.
Giit ni Atty. Cayosa, kahit confidential fund ang pinag-uusapan, hindi nangangahulugang hindi na kailangang ipaliwanag ang paggamit nito, lalo na kung may mga alegasyon hinggil sa mga pekeng pangalan, resibo at recipient ng pondo.
Mahalaga rin aniya na maipaliwanag ni Vice President Duterte kung bakit kinakailangan ng Office of the Vice President at ng Department of Education ang confidential funds gayong hindi naman pangunahing intelligence-gathering agencies ang mga ito.
Samantala, sinabi ni Atty. Cayosa na hindi pa kinakailangang asahan ang malalaking “pasabog” sa kasalukuyang yugto ng presentasyon ng prosecution dahil bahagi pa lamang aniya ito ng pagpapatunay na nailabas ang pondo.
Ayon sa kanya, mas mahalagang mapatunayan sa mga susunod na pagdinig kung saan talaga napunta ang pera at kung ginamit ito sa lehitimo at nararapat na layunin.











