--Ads--

Isang kaso ng African Swine Fever (ASF) ang naitala sa isang backyard piggery sa Alicia, Isabela, matapos magpositibo sa naturang sakit ang isa sa walong baboy na nai-report na nagkasakit.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dra. Helen Sevilla, Isabela Provincial Veterinarian, sinabi nitong Lunes ay ini-report ng isang hog raiser ang pagkakasakit ng ilan nitong mga alagang baboy, dahilan upang agad itong masuri ng mga beterinaryo.

Ayon kay Dra. Sevilla, ito pa lamang ang naitalang kaso ng ASF sa Isabela hanggang ngayong araw, Hulyo 31, at nananatili itong isolated dahil malayo sa mga kabahayan ang naturang piggery.

Aniya, umaabot sa 60 ang kabuuang alagang baboy ng raiser, itoy umano’y kanyang binibili bilang biik at inaalagaan bilang fattener.

--Ads--

Sinabi pa ng Provincial Veterinarian na isa sa mga nakitang kakulangan sa naturang piggery ay ang kawalan ng sapat na biosecurity measures kaya hindi matukoy kung saan nagmula ang infection.

Gayunman, tiniyak niyang ligtas pa ring mag-alaga ng baboy sa Isabela basta mahigpit na ipinatutupad ang biosecurity, kabilang ang paggamit ng net upang hindi makapasok ang mga langaw, insekto at daga, gayundin ang pagkakaroon ng bakod upang hindi basta-basta makapasok ang ibang tao sa piggery.

Samantala, sinabi ni Dra. Sevilla na hindi naman inaasahang maaapektuhan ang presyo ng baboy dahil iisa pa lamang at isolated ang naturang kaso. Patuloy rin ang monitoring sa mga checkpoint sa Cordon, San Pablo at Quezon upang matiyak na kumpleto ang mga dokumento at dumaraan sa inspeksyon ang mga baboy at karne na ipinapasok sa lalawigan, kabilang ang mga nagmumula sa ibang probinsya at National Capital Region.

Para naman sa livestock insurance ng mga alagang baboy, manok, tupa, kambing at kalabaw, maaaring lumapit sa Municipal Agriculture Office para sa assistance, lalo na ang mga backyard raisers dahil libre ang insurance para sa kanila.

Pinaalalahanan naman niya ang mga backyard raisers na agad i-report sa Municipal Agriculture Office ang anumang senyales ng pagkakasakit ng kanilang mga alagang hayop at huwag itong itago upang agad na maaksyunan. Hinikayat din ang mga ito na mahigpit na ipatupad ang biosecurity measures gaya ng paggamit ng net, mosquito mat, footbath at disinfectant.

Binigyang-diin ni Dra. Sevilla na nananatili pa rin ang banta ng ASF at Avian Influenza o bird flu dahil hindi pa tuluyang naireradicate ang mga naturang sakit.