--Ads--

Patay ang hindi bababa sa 32 minero matapos ang malakas na pagsabog sa isang minahan ng carbon sa lalawigan ng Balochistan sa timog-kanlurang bahagi ng Pakistan.

Nangyari ang insidente nitong Huwebes sa Sorange malapit sa lungsod ng Quetta. Ayon sa mga awtoridad, posibleng dulot ito ng naipong methane gas sa loob ng minahan.

Sa pahayag ng Provincial Disaster Management Authority, 29 na bangkay na ang narekober habang natunton na rin ang tatlo pang bangkay sa loob ng minahan.

Sinabi ni Chief Inspector of Mines Muhammad Atif na may 36 na minero sa loob ng minahan nang mangyari ang pagsabog. Dalawang magkalapit na minahan din umano ang napinsala sa insidente.

--Ads--

Patuloy ang search and retrieval operations ngunit aminado ang mga awtoridad na napakaliit na ng posibilidad na may matagpuang buhay na mga minero.

Karaniwan na ang mga aksidente sa industriya ng pagmimina ng karbon sa Pakistan, lalo na sa Balochistan, dahil sa kakulangan ng sapat na bentilasyon, gas monitoring systems, at iba pang mahahalagang safety measures sa mga minahan.