--Ads--

Nagdala ang House prosecution panel ng 15 kahon ng mga dokumentong may kaugnayan sa umano’y confidential funds na inilabas para kay Vice President Sara Duterte sa pagdinig ng Senate impeachment court.

Binanggit ni private prosecutor Atty. Lorna Kapunan ang 15 kahon ng mga dokumento habang tinatawag bilang unang saksi si Roderick Wamil, dating state auditor ng Commission on Audit (COA) Intelligence and Confidential Funds Audit Office.

Ayon kay Kapunan, ang naturang saksi ay magpapatunay sa 50 exhibits na bahagi ng ebidensiyang ihaharap ng prosekusyon.

Aniya, ang unang testigo ang mag-a-authenticate ng 845 acknowledgment receipts (ARs) para sa ikaapat na quarter ng 2022 sa ilalim ng Office of the Vice President (OVP).

--Ads--

Ang susunod na saksi naman ay inaasahang magpapatunay sa kabuuang 3,664 na dokumento, kabilang ang 3,617 acknowledgment receipts.

Ipinaliwanag ni Kapunan na ang mga ito ay mga liquidation document na isinumite ng OVP at Department of Education (DepEd) kaugnay ng P500 milyong confidential funds ng OVP at P116.5 milyong confidential funds ng DepEd.

Sa Article 1 ng impeachment complaint, inaakusahan si Duterte ng culpable violation of the Constitution, graft and corruption, at betrayal of public trust dahil sa umano’y sistematikong maling paggamit, paglustay, at iregular na liquidation ng kabuuang P612.5 milyong confidential funds ng OVP at DepEd.

Samantala, sinabi ng depensa sa pamamagitan ni Michael Poa na handa silang tanggapin ang listahan ng mga dokumento, maliban sa 845 acknowledgment receipts na may petsang Disyembre 21 hanggang 31, 2022, dahil mayroon pa umano silang mga isyung nais talakayin kaugnay ng mga ito.

Ayon pa kay Kapunan, ang naging pagtutol ng depensa sa bahaging ito ay nakabawas sa dami ng mga kahong kailangang suriin ng mga senador na nagsisilbing impeachment judges.