Sumailalim sa Modular Distance Learning ang ilang mag-aaral ng Cauayan City Stand Alone Senior High School (CCSASHS) ngayong Martes matapos maapektuhan ng pagtaas ng tubig sa bahagi ng Alicaocao, Cauayan City.
Matatandaang simula pa kahapon, Agosto 3 ay hindi na madaanan ang Alicaocao Overflow Bridge dahil sa pag-apaw ng tubig sa ilog. Dahil dito, kinakailangan pang sumakay ng bangka ang mga residente na tatawid sa lugar o kaya ay umikot sa bayan ng Naguilian upang makarating sa city proper.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. John Mina, school head ng CCSASHS, sinabi niyang bagama’t walang suspensiyon ng klase sa Lungsod ng Cauayan ngayong araw, napagpasyahan nilang huwag nang obligahing pumasok ang mga mag-aaral mula sa East Tabacal at Forest Region na apektado ng pag-apaw ng tubig sa ilog.
Ayon kay Dr. Mina, sa halip ay pansamantala silang isinailalim sa Modular Distance Learning alinsunod sa DepEd Order No. 14 upang matiyak ang kanilang kaligtasan.
Aniya, may nakahandang repository learning materials na maaaring ma-access ng mga mag-aaral, at maaari rin silang makipag-ugnayan sa kanilang mga guro sa pamamagitan ng Messenger para sa mga tagubilin at iba pang katanungan kaugnay ng kanilang mga aralin.
Tinatayang nasa 15% ng kabuuang bilang ng mga mag-aaral ng CCSASHS ang apektado ng sitwasyon.
Bagama’t may opsyon pa ring pumasok sa face-to-face classes ang mga estudyante, nilinaw ni Dr. Mina na mas makabubuting manatili muna sila sa kanilang mga tahanan upang maiwasan ang anumang panganib na maaaring idulot ng pagtawid sa ilog gamit ang bangka.









