Lumawak sa $1.06 bilyon ang depisito ng Pilipinas sa kalakalan ng mga produktong agrikultural noong Hunyo matapos mas mabilis na tumaas ang halaga ng mga inaangkat na produkto kaysa sa iniluluwas, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Batay sa datos ng PSA, mas mataas ito ng 30 % kumpara sa $813.16 milyong depisito na naitala sa kaparehong buwan noong nakaraang taon. Umabot naman sa $2.47 bilyon ang kabuuang kalakalan ng sektor ng agrikultura noong Hunyo.
Tumaas ng 14.3 % ang agricultural imports sa $1.77 bilyon, kung saan nanguna ang mga cereal na nagkakahalaga ng $441.93 milyon o 25 % ng kabuuang inangkat na produkto. Nanatili ring pangunahing pinagmumulan ng agricultural imports ang Vietnam sa loob ng ASEAN.
Samantala, bumaba ng 3.6 % ang agricultural exports ng bansa sa $706.92 milyon, na siyang pinakamababang halaga sa loob ng 16 na buwan. Kabilang sa mga pangunahing iniluluwas ng bansa ang animal at vegetable fats at oils.
Ayon sa PSA, nanatiling mahalagang merkado ng mga produktong agrikultural ng Pilipinas ang mga bansang kasapi ng European Union, kung saan nanguna ang Netherlands bilang pinakamalaking tumatanggap ng mga iniluluwas na produktong agrikultural ng bansa noong Hunyo.











