--Ads--

Pansamantalang ipinagbawal ng Department of Agriculture (DA) ang pag-angkat ng mga buhay na hayop at ilang produktong hayop mula sa Azerbaijan, Bahrain, Cyprus, Iraq, Israel, Kuwait, at Palestine matapos makumpirma ang pagkalat ng foot-and-mouth disease (FMD) sa mga nasabing bansa.

Sa ilalim ng Department Circular No. 39 na nilagdaan ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., ipinagbabawal ang pagpasok ng mga baboy, baka, kalabaw at iba pang hayop na maaaring tamaan ng FMD, gayundin ang ilang produktong nagmula sa mga ito.

Ayon sa DA, layunin ng hakbang na maprotektahan ang industriya ng paghahayupan, seguridad sa pagkain, at kabuhayan ng mga magsasaka laban sa isa sa mga pinaka-nakahahawang sakit sa mga hayop sa buong mundo.

Nilinaw naman ng ahensya na papayagan pa rin ang pagpasok ng ilang produktong itinuturing na ligtas, kabilang ang UHT milk, de-latang karne, gelatin at iba pang naprosesong produktong hayop, basta’t nakasunod sa mahigpit na veterinary at import requirements.

--Ads--

Bagama’t hindi panganib sa kalusugan ng tao ang FMD, maaari itong magdulot ng malaking pinsala sa produksyon ng mga alagang hayop at magresulta sa pagkalugi ng mga magsasaka. Inatasan na rin ng DA ang mga quarantine officer na kumpiskahin ang mga ipinagbabawal na kargamento na darating sa mga pantalan ng bansa.