Hindi napigilang maiyak ng pamilya ni Alexis Ann Ramos, Mutya ng Cauayan 2023, kasunod ng pagkasawi nito sa isang vehicular accident sa Barangay Minante 2, Cauayan City, madaling araw nitong Agosto 9.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ghiean Lucas Isidro, kaanak ni Alexis, inilarawan niya ang biktima bilang mabait at maaasahan at malaking katuwang ng kanilang pamilya. Si Alexis ang panganay sa dalawang magkapatid at tumutulong umano sa pag-aaral ng kanyang 19-anyos na kapatid.
Ayon kay Isidro, mula pagkabata ay hilig na ni Alexis ang pagsali sa mga beauty pageant. Kinatawan din niya ang Cauayan City sa Queen Isabela, kung saan nakamit niya ang titulong second runner-up. Bago ang insidente, abala umano siya sa pagda-diet bilang paghahanda sa planong pagsali sa isang national pageant.
Malaki rin umano ang naitulong ni Alexis sa kanilang pamilya, dahilan upang labis na ikalungkot ng kanyang mga kaanak ang kanyang pagpanaw. May plano rin umano si Alexis at ang kanyang boyfriend, na kabilang din sa mga nasawi sa aksidente, na magtungo sa Canada at doon na mag-settle.
Batay naman sa salaysay umano ng kanilang kasama na nakaligtas at kasalukuyang nagpapagamot, galing sila sa sentro ng Cauayan City at kumain muna bago bumiyahe pauwi ng Santiago City. Dadaan pa umano sila sana sa isang fast-food restaurant sa bahagi ng Alicia, Isabela bago nangyari ang aksidente.
Sa ngayon, patuloy na nagpapagamot ang isa nilang kasama na nakaligtas sa insidente habang inaasikaso naman ng pamilya ang mga kinakailangang dokumento at iba pang paghahanda para sa pagdadalamhati sa kanilang mahal sa buhay.











