--Ads--

Nais ni Senador Raffy Tulfo na magsagawa ng imbestigasyon ang Senado sa panukalang pagtatayo ng Pax Silica Hub sa New Clark City sa Capas, Tarlac upang matukoy ang mga posibleng epekto nito sa ekonomiya, kapaligiran, lipunan, teknolohiya at pambansang seguridad.

Sa inihain nitong Senate Resolution No. 571, sinabi ni Tulfo na mahalagang masuri kung sapat ang umiiral na mga batas at regulasyon habang isinusulong ng pamahalaan ang digital infrastructure, artificial intelligence at advanced manufacturing bilang mga pangunahing sektor para sa paglago ng ekonomiya, paglikha ng de-kalidad na trabaho at pag-akit ng mga mamumuhunan.

Ayon sa senador, inihaharap ang Pax Silica Hub bilang isang malaking proyekto na maaaring magtulak sa Pilipinas upang maging sentro ng advanced computing, artificial intelligence, semiconductor-related industries, data infrastructure at iba pang high-value technology sectors sa rehiyon.

Gayunman, sinabi ni Tulfo na kasabay ng mga inaasahang benepisyo ng proyekto ay lumitaw rin ang iba’t ibang pangamba at katanungan mula sa publiko.

--Ads--

Kabilang aniya sa mga isyung dapat pag-aralan ang paggamit ng lupa at urban planning, pagkonsumo ng tubig, alokasyon ng mga likas na yaman at pagpapanatili ng kalikasan. Dapat ding suriin ang posibleng epekto nito sa karapatan, kapakanan, kultura at mga lupang ninuno ng mga katutubo at lokal na komunidad.

Binanggit din ng senador ang mga usapin kaugnay ng paglikha ng trabaho, pagpapaunlad ng kakayahan ng mga manggagawa at ang pangmatagalang benepisyo ng proyekto sa ekonomiya, teknolohiya, kapaligiran at lipunan.