--Ads--

Naghain ng resolusyon si Senador Risa Hontiveros na humihiling ng pagsasagawa ng imbestigasyon sa Senado kaugnay ng mga pangamba sa planong pagtatayo ng Pax Silica Industrial Hub, kabilang ang posibleng pagpapalikas sa mga komunidad at epekto nito sa kabuhayan ng mga residente.

Ayon sa Senate Resolution No. 563, layunin ng imbestigasyon na alamin ang katotohanan sa mga ulat at babala ng iba’t ibang advocacy group hinggil sa posibleng paglikas ng mga Aeta at mga pamayanang umaasa sa pagsasaka sa loob at paligid ng planong 4,000-acre na proyekto sa Luzon Economic Corridor.

Bagama’t inaasahang magdadala ang Pax Silica ng malalaking pamumuhunan, daan-daang libong trabaho, at magpapalakas sa sektor ng advanced manufacturing at emerging technologies sa bansa, iginiit ni Hontiveros na mahalagang masuri muna ang kabuuang epekto nito sa mga lokal na komunidad, ekonomiya, kapaligiran, at pambansang seguridad.

Binigyang-diin din ng senador na hindi dapat batayan lamang ang halaga ng pamumuhunan, kundi ang kakayahan nitong lumikha ng disenteng trabaho, maprotektahan ang kabuhayan ng mga mamamayan, at mapangalagaan ang pambansang interes.

--Ads--