Nahaharap sa administrative at posibleng legal na kaso ang isang itinalagang driver ng Land Transportation Office (LTO) matapos masangkot sa umano’y pag-counterflow at pag-obstruct sa daloy ng trapiko sa Santiago City, Isabela.
Ito ay matapos kumalat sa social media ang video na nagpapakita sa isang patrol vehicle ng LTO na dumaraan umano sa maling direksyon ng kalsada sa labas ng XentroMall noong Agosto 12.
Bunsod nito, agad na ipinag-utos ni LTO Assistant Secretary Markus V. Lacanilao ang pagsasagawa ng imbestigasyon upang matukoy ang pagkakakilanlan ng driver at ang buong detalye ng insidente.
Matapos makilala ang sangkot na tauhan, naglabas ang ahensya ng Show Cause Order at inatasan itong magsumite ng paliwanag sa Intelligence and Investigation Division (IID).
Kabilang sa mga sinisilip na paglabag ang Obstruction of Traffic at Disregarding Traffic Rules, gayundin ang posibleng pananagutan bilang Improper Person to Operate a Motor Vehicle depende sa kalalabasan ng imbestigasyon.
Kasabay nito, isinailalim ang driver sa 90-araw na preventive suspension at inatasang isuko ang kanyang driver’s license habang nagpapatuloy ang pagdinig sa kaso.
Ayon sa LTO, inatasan na rin ang paghahanda ng kaukulang kaso laban sa nasabing driver bilang bahagi ng pagpapanagot sa mga tauhang mapatutunayang lumabag sa batas-trapiko.
Binigyang-diin ng ahensya na walang sinuman, kabilang ang mga empleyado nito, ang dapat na maging exempted sa pagpapatupad ng batas at mananagot ang sinumang mapatutunayang lumabag sa umiiral na mga regulasyon sa kalsada.











