--Ads--

Umabot na sa lima ang kumpirmadong nasawi matapos hagupitin ng malalakas na bagyo at malawakang pagbaha ang Indiana United States.

Patuloy naman ang search and rescue operations ng mga awtoridad para sa mga residenteng na-stranded ng pagbaha na dulot ng ilang araw na walang tigil na pag-ulan sa naturang estado.

Dahil sa lawak ng pinsala, humiling si Indiana Governor Mike Braun ng Presidential Emergency Declaration upang makakuha ng karagdagang tulong mula sa federal government. Kinumpirma rin niya na nakatakdang aprubahan ni United States President Donald Trump ang naturang kahilingan.

Kabilang sa mga lugar na matinding naapektuhan ang White River sa Indianapolis na umapaw matapos ang malakas na pag-ulan. Ayon sa National Weather Service, mahigit 280 milimetro ng ulan ang naitala sa ilang lugar sa loob lamang ng dalawang araw.

--Ads--

Sinabi naman ni Indianapolis Mayor Joe Hogsett na ito na ang pinakamalalang pagbaha na naranasan ng lungsod sa loob ng mahigit tatlong dekada.

Kabilang sa mga nasawi ang isang 58-anyos na babae na pinaniniwalaang namatay matapos tangkaing tawirin sakay ng sasakyan ang isang binahang kalsada sa Delaware County. Nasawi rin ang isang apat na taong gulang na bata matapos mabagsakan ng puno ang kanilang bahay sa Jennings County, habang natagpuan naman ang bangkay ng isang teenager na naiulat na nawawala matapos tumalon sa isang ilog.

Patuloy na nagbabala ang mga awtoridad sa publiko na iwasang tumawid sa mga binahang lugar dahil maaaring ma-stranded o matangay ng malakas na agos ang mga sasakyan at tao.