Agad na pinauwi ng Senate impeachment court si Marivic Pareja, director ng Legislative Information Resources Management Department ng House of Representatives, matapos tanggapin ng kampo ng depensa ang mga dokumentong iniharap ng House prosecution panel sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Sa ika-16 na araw ng paglilitis, iniharap ni House Prosecutor at Cagayan de Oro 1st District Rep. Lordan Suan ang iba’t ibang liham, position papers at iba pang dokumentong may kaugnayan sa mga pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability (CGGPA) noong 2024.
Kinumpirma naman ng abogado ng depensa na si Atty. Lindon Miguel Bacquel na kinikilala nila ang pagiging tunay ng mga dokumento at ang katotohanang ang House Legislative Archives and Museum Management Service ang opisyal na tagapag-ingat ng mga ito.
Tinanggap din ng depensa ang sertipikasyon na inisyu ni Pareja hinggil sa pagkakakilanlan at tamang reproduksyon ng mga dokumento.
Dahil dito, pinayagan ni Senate impeachment court Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero na bumaba na sa witness stand si Pareja at hindi na sumailalim sa mas mahabang pagtatanong.
Si Pareja ay 27 taon nang empleyado ng Kamara at walong taon nang namumuno sa House Legislative Archives and Museum Management Service, na siyang opisyal na imbakan at tagapag-ingat ng mga rekord at dokumento ng House of Representatives.
Samantala, nang ipagpatuloy ang paglilitis nitong Lunes, 13 lamang sa mga senator-judges ang nakadalo, sapat upang makabuo ng quorum para sa pagpapatuloy ng impeachment trial.





