Naghain si Vice President Sara Duterte ngayong Lunes ng ikalawang reklamong perjury laban kay Ramil Madriaga, ang lalaking nagpakilalang dati niyang aide at nag-uugnay sa kanya sa umano’y iligal na campaign funding at cash deliveries.
Ayon sa Office of the Vice President (OVP), personal na nagtungo si Duterte sa Taguig City Prosecutor’s Office upang isumite ang reklamo, kasama ang kanyang abogado na si Atty. Paolo Panelo.
Matatandaang noong Marso 4 ay naghain na rin ang Bise Presidente ng unang kasong perjury laban kay Madriaga sa parehong tanggapan, kasabay ng pahayag na hindi dapat gamitin ang mga maling impormasyon upang lituhin ang publiko.
Si Madriaga ang nag-akusa na ang kampanyang “Inday Sara Duterte is My President (ISIP) Pilipinas” ay umano’y pinondohan ng mga drug dealer at mga operator ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).
Inangkin din niya na inutusan umano siya nina Col. Dennis Nolasco at Col. Raymund Lachica na maghatid ng apat na duffel bag na naglalaman umano ng hanggang P35 milyon bawat isa sa iba’t ibang indibidwal.
Mariin namang itinanggi nina Vice President Duterte at Lachica ang mga paratang na ito.











