Arestado ang isang 38-anyos na pintor na itinuturing na Street-Level Individual (SLI) matapos mahulihan ng hinihinalang shabu sa isinagawang buy-bust operation ng mga awtoridad sa Brgy. Labinab, Cauayan City, Isabela nitong umaga ng Agosto 17.
Sa ulat ng Isabela Police Provincial Office (IPPO), kinilala ang suspek sa alyas na “Cesar,” may asawa at residente ng Brgy. District 1, Cauayan City.
Sa imbestigasyon, nabisto umano ang suspek matapos nitong bentahan ng isang sachet ng hinihinalang shabu ang isang police officer na nagsilbing poseur-buyer kapalit ng buy-bust money na binubuo ng isang tunay na P1,000 bill at boodle money.
Narekober mula sa suspek ang isang heat-sealed plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may tinatayang timbang na 0.15 gramo at halagang P1,020 batay sa Standard Drug Price. Nakumpiska rin ang buy-bust money, isang cellphone at isang motorsiklo.
Pinangunahan ang operasyon ng City Drug Enforcement Unit ng Cauayan City Police Station katuwang ang RMU2, PDEA Isabela, PDEU at iba pang law enforcement units sa koordinasyon ng PDEA Regional Office 2.
Isinailalim sa tamang proseso ang pagmamarka, pagkuha ng larawan at imbentaryo ng mga nakumpiskang ebidensya sa presensya ng mga kinakailangang saksi alinsunod sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Section 5, Article II ng nasabing batas habang patuloy ang pagpapaigting ng kampanya ng kapulisan laban sa ilegal na droga sa lalawigan ng Isabela.











