Nagbanta umano si US President Donald Trump na bobombahin ang Oman kung hahadlangan nito ang pakikipagnegosasyon ng Estados Unidos sa Iran kaugnay ng muling pagbubukas ng Strait of Hormuz.
Ginawa ni Trump ang pahayag sa isang panayam sa telepono habang nagpapatuloy ang magkahiwalay na negosasyon ng Estados Unidos at Oman sa Iran para sa muling pagbubukas ng Strait of Hormuz.
Mahalaga ang naturang daanan sa pandaigdigang ekonomiya dahil dito dumaraan ang malaking bahagi ng suplay ng langis at liquefied natural gas sa buong mundo.
Nauna nang sinabi ng mga opisyal ng Iran na malapit na silang makabuo ng kasunduan sa Oman hinggil sa transit route ng mga barko sa naturang kipot.
Samantala, hindi pa malinaw ang magiging direksyon ng usapan sa pagitan ng Estados Unidos at Iran habang nalalapit nang magtapos ang 60-araw na Memorandum of Understanding na nilagdaan ng dalawang bansa.
Sa parehong panayam, sinabi rin ni Trump na mayroon umanong direktang backchannel communication ang Amerika sa Islamic Revolutionary Guard Corps (IRGC) ng Iran, ngunit mariin itong pinabulaanan ng naturang grupo.
Iginiit naman ng Iran na walang nagaganap na direktang pag-uusap sa pagitan ng IRGC at Estados Unidos.
Patuloy na sentro ng tensyon ang Strait of Hormuz matapos itong bahagyang maisara sa kasagsagan ng sigalot sa pagitan ng Amerika at Iran, na nakaapekto sa pandaigdigang kalakalan at presyo ng enerhiya.











