--Ads--

Sinuspinde sa puwesto ng Bureau of Customs (BOC) ang isang port police official na ama ng estudyanteng sangkot sa pamamaril sa Junior High School campus ng Ateneo de Zamboanga University (ADZU) nitong Martes, Agosto 18.

Ayon kay BOC Commissioner Ariel Nepomuceno, isinailalim sa preventive suspension ang opisyal matapos matukoy na pagmamay-ari nito ang baril na umano’y ginamit sa insidente.

Sa naturang pamamaril, dalawang estudyante at ang umano’y namaril ang nasawi.

Iniutos din ni Nepomuceno ang masusing imbestigasyon sa insidente, kabilang ang pagkuha ng mga dokumento, rekord, pahayag at iba pang ebidensiyang maaaring makatulong sa pagsisiyasat.

--Ads--

Inatasan din ng BOC ang lahat ng personnel na sangkot na makipagtulungan sa imbestigasyon ng mga awtoridad.

Kasabay nito, ipinag-utos ng ahensya ang komprehensibong accounting at inventory ng lahat ng baril na ipinagkaloob sa mga tauhan nito.

Susuriin din ng BOC ang pagsunod ng mga personnel sa mga polisiya hinggil sa paggamit, pag-iingat, pagdadala at pag-iimbak ng mga baril upang maiwasan ang kaparehong insidente.

Nagpaabot naman ng pakikiramay ang BOC sa mga pamilya ng mga nasawi at sa buong komunidad ng Ateneo de Zamboanga na naapektuhan ng insidente.