Hindi agad magdedesisyon ang hukuman kaugnay sa recantation o pagbawi ni Orly Guteza sa mga nauna niyang pahayag laban sa ilang mambabatas na iniuugnay sa umano’y anomalya sa flood control projects.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Randy Arreola, sinabi niyang bagama’t binawi na ni Guteza ang kanyang naunang salaysay, kinakailangan pa ring masusing suriin ng korte ang dahilan at mga pangyayaring nagbunsod sa kanyang pagrecant.
Ayon kay Arreola, hindi rin maaaring basta balewalain ang mga nauna at kasalukuyang pahayag ni Guteza dahil mayroon na siyang dalawang magkasalungat na testimonya. Dahil dito, maaari itong makaapekto sa kanyang kredibilidad bilang testigo.
Aniya, posibleng may isang salaysay na hindi totoo o maaari ring kuwestiyunin ang parehong pahayag, kaya mahalagang matukoy kung alin sa mga ito ang naaayon sa mga ebidensiyang ihaharap sa korte.
Ipinunto rin ni Arreola na hindi dapat agad ipagpalagay na kusa lamang nagbago ng salaysay si Guteza, dahil posible ring may ibang taong nang-pressure o pumilit sa kanya na bawiin ang nauna niyang testimonya.
Gayunman, kailangan pa ring mapatunayan kung mayroon ngang pamimilit, pananakot o anumang impluwensiya na naging dahilan ng kanyang pagrecant.
Dagdag pa niya, maaari ring humarap si Guteza sa posibleng kasong perjury o false testimony kung mapatutunayang nagsinungaling siya sa ilalim ng panunumpa.
Sinabi ni Atty. Arreola na nakadepende pa rin sa mga ebidensiya at pagsusuri ng korte ang magiging bigat ng bawat salaysay at anumang posibleng pananagutan ni Guteza.











