Nagsumite si dating House Speaker at Leyte Representative Martin Romualdez ng supplemental counter-affidavit sa Office of the Ombudsman, kasunod ng pagbawi ni dating bodyguard ni Zaldy Co na si Orly Guteza sa mga nauna nitong pahayag laban sa kanya kaugnay ng umano’y anomalya sa flood control projects.
Kinumpirma ng abogado ni Romualdez na si Atty. Felix Villa ang paghahain ng karagdagang salaysay nitong Huwebes. Kalakip nito ang mga affidavit ng 25 indibidwal na umano’y magpapasubali sa alegasyon ng mga dating bodyguard ni Co tungkol sa paghahatid ng mga maleta na naglalaman ng pera kay Romualdez at Co.
Kabilang sa 25 ang ilang indibidwal na tinukoy umano ng mga dating bodyguard bilang kasama sa mga naturang delivery. Ayon sa abogado ni Romualdez, itinanggi ng mga ito na nangyari ang naturang mga paghahatid.
Samantala, sinabi ng Ombudsman na hindi nakasalalay sa recantation ni Guteza ang kanilang imbestigasyon dahil mayroon pa silang 28 iba pang testigo na sinasabing may direktang kaalaman sa mga transaksyong iniuugnay kay Romualdez.
Si Guteza ang ikaapat sa siyam na dating bodyguard ni Co na bumawi sa kanilang mga naunang pahayag. Patuloy namang iniimbestigahan ng Ombudsman ang mga alegasyon ng plunder, graft, bribery at money laundering laban kay Romualdez kaugnay ng flood control projects.











