Nanawagan ang ilang residente sa Cauayan City sa agarang pagtugon sa problema sa drainage system sa kanilang subdivision, partikular sa mga lugar na madalas bahain at naiipunan ng tubig.
Isinagawa ang panawagan sa isinagawang Committee Hearing ng lokal na pamahalaan, kung saan tinalakay ang mga usapin sa maintenance at kinakailangang intervention sa mga drainage at iba pang public infrastructure.
Ayon kay Engr. Armando Ordinario, residente at presidente ng isang subdivision, sinabi niyang isa sa mga tinalakay sa isinagawang committee hearing ang usapin sa maintenance at mga kinakailangang intervention para sa mga public infrastructure project sa iba’t ibang subdivision sa lungsod.
Aniya, may mga bahagi ng kanilang subdivision na naiipunan ng tubig, kaya nais ng mga residente na masuri ang aktuwal na kondisyon ng drainage system at matukoy ang kinakailangang solusyon.
Binigyang-diin niya na hindi sapat ang panandaliang paglilinis kung patuloy na bumabalik ang problema at naaapektuhan ang mga residente.
Nanawagan din si Ordinario sa mga kinauukulang ahensya na magsagawa ng masusing pagsusuri upang matukoy ang ugat ng problema at makapagpatupad ng pangmatagalang solusyon sa drainage system.
Samantala, ayon naman kay SP Member Bagnos Maximo, kabilang sa mga nakikitang problema ang pagbabara ng ilang kanal, na iniuugnay sa maling pagtatapon ng basura.
Binigyang-diin ni SP Member Maximo ang pangangailangan sa agarang declogging at masusing paglilinis ng mga kanal upang maalis ang mga nakaharang sa daluyan ng tubig at maiwasan ang pag-ipon ng tubig.
Kasabay nito, hinikayat niya ang mga residente na panatilihin ang kalinisan ng mga drainage system at iwasang magtapon ng basura sa mga kanal upang hindi na maulit ang pagbabara.
Hinimok din niya ang mga residenteng may hinaing at kahilingan na lumapit sa mga kinauukulang tanggapan upang maisagawa ang kaukulang pagsusuri at agarang aksyon sa kanilang mga concern.











