Nakatanggap ang Democratic Republic of Congo ng mahigit 16,000 doses ng Ervebo vaccine habang patuloy na kumakalat ang pinakamabilis na Ebola outbreak na naitala sa kasaysayan ng bansa.
Ayon sa health minister ng Congo, nasa 16,250 doses ng bakuna ang dumating sa N’djili International Airport sa Kinshasa nitong Biyernes bilang bahagi ng 70,000 doses na ipinangakong ipapadala ng World Health Organization at mga katuwang nito.
Inaasahang darating naman ang karagdagang suplay ng bakuna sa unang bahagi ng susunod na linggo.
Ang kasalukuyang outbreak ay dulot ng rare Bundibugyo virus, na wala pang aprubadong treatment o bakuna. Madali rin umano itong kumalat at maaaring hindi agad matukoy dahil kahawig ng malaria ang ilan sa mga sintomas nito.
Bagama’t ang Ervebo ay lisensyado para sa Ebola, sinabi ng WHO na maaari itong magbigay ng proteksyon laban sa Bundibugyo virus batay sa naging bisa nito sa mga nakaraang outbreak.
Umabot na sa 5,375 ang kumpirmadong kaso ng Ebola sa anim na probinsya ng Congo, kung saan 2,557 na ang nasawi.
Ayon sa Africa Centres for Disease Control and Prevention, hindi pa umano nararating ng transmission ang peak nito at maaari pang umabot sa tatlong beses ang kasalukuyang bilis ng pagkalat.
Nahihirapan naman ang mga awtoridad na mapigil ang outbreak dahil sa armadong tunggalian, pag-atake sa mga health worker at pasilidad, paglikas ng mga residente, at kakulangan sa mahahalagang imprastraktura.










