Nahaharap ang Department of Education (DepEd) sa matinding kakulangan ng guidance counselors sa mga paaralan sa bansa, kasabay ng tumataas na insidente ng bullying at iba pang uri ng karahasan sa mga estudyante.
Ayon kay DepEd Undersecretary for Human Resource and Organizational Development Willie Cabral, wala pang 1,000 registered guidance counselors ang kasalukuyang nagsisilbi sa mahigit 45,000 paaralan sa ilalim ng DepEd.
Sa ideal ratio, dapat ay may isang guidance counselor sa bawat 250 mag-aaral, batay sa pamantayan ng American School Counselor Association.
Gayunman, sinabi ni Cabral na nasa 5,000 lamang ang registered guidance counselors sa buong bansa, habang wala pang 3,000 ang registered psychologists. Sa ilalim ng DepEd, mas mababa sa 1,000 guidance counselors ang aktuwal na nagsisilbi sa mga paaralan.
Noong 2020, nakalikha ang DepEd ng 5,000 guidance counselor positions ngunit nasa 1,000 lamang ang napunan.
Upang matugunan ang kakulangan, ipatutupad ng DepEd ang Republic Act 12080 o Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act, na nag-aatas sa pagtatatag ng care center sa bawat paaralan.
Ngayong 2026, target ng DepEd na kumuha ng hindi bababa sa 10,000 school counselor associates. Sa 10,000 posisyon, 9,641 na ang nailathala, habang 6,968 ang sumasailalim sa assessment at 2,469 ang bukas pa para sa aplikasyon.
Ang mga aplikante ay kailangang nagtapos ng psychology, guidance and counseling o kaugnay na kurso, may hindi bababa sa 18 units sa behavioral science at nakatapos ng supervised internship na hindi bababa sa 200 oras.
Ang School Counselor Associate I ay may basic monthly salary na ₱31,000 at ₱2,000 personal economic relief allowance.











