--Ads--

Tiniyak ng Schools Division Office (SDO) Isabela na hindi ipinagbabawal ng Department of Education (DepEd) ang paggamit ng social media ng mga guro, ngunit dapat itong gamitin nang responsable, may dignidad at alinsunod sa professional at ethical standards.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Jay Gallegos, Division Information Officer ng SDO Isabela, sinabi niyang malugod nilang tinatanggap ang memorandum ng DepEd dahil mahalaga itong paalala sa mga teaching at non-teaching personnel hinggil sa kanilang online behavior.

Aniya, kahit personal na social media account ang ginagamit ng isang guro, maaaring magkaroon ng epekto ang kanilang mga post, comment o video sa mga mag-aaral, kapwa empleyado, paaralan at maging sa imahe ng DepEd.

Dahil dito, hinihikayat ang mga guro na pag-isipang mabuti kung tama, makatarungan at responsable ang kanilang ipo-post o ibabahagi online.

--Ads--

Samantala, sinabi ni Ginoong Gallegos na nakatatanggap din ang SDO Isabela ng mga ulat o reklamo kaugnay ng hindi angkop na paggamit ng social media ng ilang personnel. Aniya, ang mga ito ay ipinauubaya sa mga kinauukulang tanggapan para sa kaukulang pag-aksyon at imbestigasyon.

Nilinaw din niyang hindi ipinagbabawal ang personal na pag-vlog ng mga guro, basta hindi naaapektuhan ang kanilang trabaho at nasusunod ang privacy at iba pang alituntunin, lalo na sa mga mag-aaral.

Binigyang-diin ni Ginoong Gallegos na dapat protektahan ang privacy ng mga learners at hindi basta isinasama ang mga ito sa vlogging o online content nang walang kaukulang pahintulot ng kanilang mga magulang o guardian. Aniya, may karapatan ang mga guro sa freedom of expression ngunit kaakibat nito ang responsibilidad, ethics at professionalism.

Panawagan niya sa lahat ng personnel ng DepEd, bago mag-post, mag-comment o mag-share sa social media, isipin muna ang posibleng epekto nito. Aniya, bahagi na ng pang-araw-araw na buhay ang social media kaya mahalagang gamitin ito nang may pananagutan.