Ipinunto ng House prosecution panel na nakapagsagawa ang Office of the Vice President ng tree-planting activity ngayong 2026 kahit walang inilaan na confidential funds para rito.
Sa ika-17 araw ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, ipinakita ni private prosecutor Amando Ligutan ang screenshot ng post noong Agosto 13, 2026 na nagpapakitang lumahok ang bise presidente sa tree-planting activity sa Nunungan, Lanao del Norte sa ilalim ng OVP’s PagbaBAGo: A Million Trees Campaign.
Tinanong ni Ligutan ang dating OVP special disbursing officer Gina Acosta kung may confidential funds ang OVP ngayong 2026 na maaaring gamitin para sa naturang tree-planting activity, ngunit sinabi nitong wala.
Iginiit naman ng depensa na walang kaugnayan sa impeachment case ang naturang aktibidad dahil hindi ito sakop ng mga Artikulo ng Impeachment.
Binigyang-diin ng prosecution na layunin nitong ipakita na nakapagsagawa ang OVP ng tree-planting activity kahit walang confidential funds na inilaan para rito. Sinabi naman ni Acosta na wala siyang alam tungkol sa usapin.
Sa naunang pagdinig, sinabi ni Acosta na kabilang sa mga pinagkagastusan ng confidential funds ang tree-planting activities sa ilalim ng good governance programs ng OVP.
Ayon sa dating SDO, nagsasagawa umano ng surveillance ang security officer ng OVP bago ang tree-planting activity upang matiyak ang kaligtasan ng mga kalahok.
Si Acosta ay testigo para sa Article 1 ng impeachment case laban kay Duterte, na nag-aakusa sa bise presidente ng umano’y sistematikong maling paggamit at iregular na liquidation ng confidential funds na nagkakahalaga ng P500 milyon na inilabas sa OVP at P112.5 milyon na inilabas sa Department of Education noong siya pa ang kalihim nito.







