--Ads--

Ilang hindi pangkaraniwang pangalan ang lumitaw sa mga acknowledgment receipt kaugnay ng paggamit ng confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) sa Day 17 ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Kinuwestiyon ni prosecution counsel Atty. Amando Ligutan si dating OVP special disbursing officer Gina Acosta tungkol sa dokumentasyon at beripikasyon ng mga transaksyong ipinatupad ni Col. Raymund Lachica.

Batay sa mga dokumento, nakatanggap umano si Antonio Pagong ng ₱100,000 para sa “purchase of information,” habang si Timon Andrew Pusa ay nakatanggap ng ₱100,000 para sa “rental of transport vehicle related to confidential activities.” Si Xuniso P. Belat naman ay nakalista ring tumanggap ng ₱100,000 para sa “purchase of information.”

Kabilang din sa records sina Don Piang na ₱250,000, May Pamana na ₱150,000, at Shane Ngitngit na ₱150,000.

--Ads--

Ayon kay Acosta, hindi niya personal na nasaksihan ang pag-abot ni Lachica ng pera sa mga nakapangalan sa mga resibo dahil wala siya sa lugar kung saan isinagawa ang mga transaksyon.

Aniya, umasa lamang siya sa mga dokumentong isinumite ni Lachica at sa kaniyang mga paliwanag. Aminado rin siyang may ilang resibong kulang sa detalye, gaya ng petsa o pangalan, ngunit tinanggap niya ang paliwanag na sensitibo at kumpidensyal ang mga operasyon.

Kinumpirma rin ni Acosta na nagsumite siya ng investigation report noong Enero 10, 2023 kaugnay ng confidential funds ng OVP.