Humihiling umano ng panibagong extension sa kaniyang medical leave si Senador Loren Legarda, ayon kay Senate President Sherwin Gatchalian nitong Miyerkules.
Ayon kay Gatchalian, nagpapatingin at nagpapahinga ngayon si Legarda matapos niyang ibunyag bago mag-leave na mayroon siyang seryosong kondisyon na nangangailangan ng gamutan.
Naka-medical leave si Legarda mula Agosto 3 at huling dumalo sa plenary session ng Senado noong Hulyo 29.
Nauna nang sinabi ng kaniyang spokesperson na si Atty. Tony La Viña na nagpapagamot si Legarda sa France para sa kondisyon sa baga at autoimmune condition. Kailangan din umano niyang magpahinga dahil maaaring lumala ang kaniyang kondisyon kapag nakararanas ng stress o tensyon.
Samantala, sinabi ni Gatchalian na maaari pa ring bumoto si Legarda sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte kung makababalik siya sa Senado at magiging present sa oras ng botohan.
Nilinaw rin ng Senate President na napagkasunduan na ng mga senador ang mga panuntunan kung sinu-sino ang maaaring bumoto sa impeachment proceedings.
Sa ilalim ng rules ng Senado, hindi maaaring bumoto sa final judgment ang mga senador na hindi lumahok sa paglilitis o hindi nakinig sa testimonya ng mga saksi.











