--Ads--

Pinaigting ng mga awtoridad ang seguridad sa mga liblib at malalayong bahagi ng Santiago City na itinuturing na mahirap maabot ng mga awtoridad sakaling magkaroon ng krimen o emergency.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLt. Stephen Carandang, Deputy Station Commander ng Police Station 4 ng Santiago City Police Office, sinabi nitong kabilang sa mga napapansin ng kapulisan ang mga insidente ng kriminalidad sa ilang lugar na malayo sa sentro ng lungsod.

Kabilang dito ang mga insidente ng pananaksak at iba pang pangyayaring nangangailangan ng mabilis na responde ng mga awtoridad.

Gayunman, sinabi ni Carandang na isa sa mga hamon sa seguridad ang hindi agarang pag-uulat ng ilang insidente ng mga residente, partikular sa mga lugar na malayo sa himpilan ng pulisya.

--Ads--

Dahil dito, maaaring maantala ang pagresponde ng mga awtoridad at mas lumaki ang panganib sa mga biktima at iba pang residente.

Hinikayat ng opisyal ang publiko na agad iulat sa pulisya ang anumang krimen, kahina-hinalang kilos o sitwasyong maaaring magbanta sa seguridad ng komunidad.

Kasabay nito, pinaigting ng kapulisan ang police visibility sa mga lugar na itinuturing na vulnerable sa kriminalidad sa pamamagitan ng mas madalas na pagpapatrolya at mas maigting na koordinasyon sa mga barangay.

Mahalaga rin umano ang papel ng mga barangay at residente sa maagang pagtukoy at pag-uulat ng mga insidente upang mapanatili ang mabilis na ugnayan sa pagitan ng komunidad at mga awtoridad.