Kinumpirma ni Lemuel Ortonio, kasalukuyang assistant chief-of-staff ng Office of the Vice President na mismong si Vice President Sara Duterte ang humiling ng P125 milyon confidential funds noong 2022 matapos niyang palitan si dating vice president at ngayo’y Naga City Mayor Leni Robredo, na zero o walang confidential fund allocation sa buong anim na taon niyang termino.
Sa ika-18 araw ng pagdinig ng impeachment court, kinumpirma ng OVP official na si Ortonio, na itinuring ng prosekusyon bilang hostile witness, ang pirma ni Duterte sa isang liham noong 2022 para sa Office of the President at Department of Budget and Management o DBM. Kabilang sa hinihinging pondo sa liham ang P125 milyon para sa confidential funds.
Inamin din ni Ortonio na ang mismong halagang P125 milyon ay itinakda ni Vice President Duterte, at hindi ito nagmula sa karaniwang administrative assessment o rekomendasyon ng budget division o iba pang administrative units ng OVP.
Sa pagtatanong ni prosecution counsel Atty. Mae Divinagracia, kinumpirma rin ni Ortonio na ang naturang P125 milyon ay buong nailabas at nagastos sa loob lamang ng 11 araw, mula December 21-31, 2022, batay mismo sa official liquidation report. Sinabi rin ni Ortonio sa korte na sa pagkakaalam niya, walang confidential funds ang OVP noong panahon ni dating Vice President Leni Robredo, na nanungkulan hanggang June 30, 2022.
Idineklara naman ni Presiding Officer Chiz Escudero na hostile witness si Ortonio matapos tanungin kung maaaring mawala ang trabaho nito sa OVP sakaling ma-impeach at tuluyang matanggal sa puwesto si Duterte.
Dahil sa ruling, pinayagan ang prosecution na magtanong kay Ortonio gamit ang leading questions. Siya na ang ikalawang OVP official na idineklarang hostile witness sa impeachment trial, kasunod ni dating Special Disbursing Officer Gina Acosta.
Matagal na ring konektado kay Duterte si Ortonio. Noong alkalde pa ng Davao City si Duterte, nagsilbi si Ortonio bilang chief ng Davao City Investment and Promotion Center at pinuno ng Human Resource Management Office ng lokal na pamahalaan.
Sina Ortonio at Acosta ay kabilang sa mga testigong iniharap ng prosecution upang patunayan ang mga alegasyon sa Article I ng Articles of Impeachment, kung saan inaakusahan si Vice President Duterte ng high crimes, graft at betrayal of public trust kaugnay ng umano’y sistematikong maling paggamit, iregular na paglalabas at kuwestiyonableng liquidation ng kabuuang P612.5 milyon na confidential funds ng OVP at Department of Education.











