Tinutulan ng isang abogado ang muling pagpapaliban sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections o BSKE dahil sa panukalang pagpapalawig sa termino ng mga kasalukuyang opisyal mula apat na taon tungo sa limang taon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Ariel Inton, President and Founder ng Lawyers for Commuters Safety and Protection, sinabi nitong mas nararapat munang ituloy ang nakatakdang halalan upang magamit ng mga mamamayan ang kanilang karapatang pumili ng mga lider sa kanilang barangay.
Ayon kay Atty. Inton, bagama’t kinatigan ng Supreme Court ang Republic Act 12232 na nagtakda ng apat na taong termino ng barangay at SK officials, panibagong panukala naman ngayon ang naglalayong gawin itong limang taon.
Giit niya, kung nais talagang palawigin ang termino, mas makabubuting isagawa muna ang halalan bago pag-usapan ang pagbabago sa haba ng termino sa mga susunod na eleksyon.
Hindi rin umano siya naniniwalang sapat na dahilan ang pagtitipid sa gastos upang ipagpaliban ang halalan.
Nanawagan naman si Atty Inton sa mga mambabatas na pakinggan ang kagustuhan ng mga mamamayan at hayaang gamitin ng mga ito ang kanilang right of suffrage upang makapili ng bagong lider o muling mabigyan ng mandato ang kasalukuyang mga opisyal.









