Hiniling ng Office of the Ombudsman sa Sandiganbayan na mag-inhibit si Associate Justice Ronald Moreno sa pagdinig ng malversation case laban kay dating Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr. kaugnay ng umano’y ghost flood control project sa Pandi, Bulacan.
Sa 69-pahinang mosyon ng Office of the Special Prosecutor, sinabi ng prosekusyon na may ilang pagkakataon sa bail hearings kung saan ang mga pahayag at tanong umano ni Moreno sa mga testigo ay maaaring magbigay ng impresyon ng pagkiling.
Partikular na binanggit ng Ombudsman ang naging pagtrato umano ng mahistrado sa state witness na si Henry Alcantara at dating Public Works Undersecretary Roberto Bernardo.
Binigyang-diin naman ng prosekusyon na hindi nito kinukuwestiyon ang integridad, kakayahan o mabuting hangarin ni Moreno, ngunit mahalagang walang makatwirang pagdududa sa pagiging patas ng isang hukom.
Si Moreno ay kabilang sa dalawang mahistrado ng Sandiganbayan Third Division na bumoto pabor sa piyansa ni Revilla. Sa 2-1 ruling, pinayagan ang dating senador na maglagak ng P1 milyong bail.
Itinatanggi ni Revilla ang mga alegasyon kaugnay ng umano’y ilegal na paglabas ng P76.9 milyon para sa P92.8 milyong flood control project sa Pandi, Bulacan.
Nasa Sandiganbayan na ang pagpapasya kung pagbibigyan ang mosyon ng Ombudsman at mag-i-inhibit si Moreno sa kaso.











